Posted by: Joey | December 3, 2007

Advent Celebration

advent-wreath-balls-w1-5.jpg

Taon-taon ginaganap ng MBC ang Advent Celebration Ngayong linggo ay uumpisahan na ang selebrasyon nito hanggang December 24. Malaki ang pasasalamat ng MBC sa aklat ni Mrs. Grace Fe Paraguas-Jainga “Family Advent” na nakapagbigay ng idea kung paano ito gaganapin.  Ang mga sumusunod ay tumutukoy kung ano ang kahulugan ng Advent:

ANG KAHULUGAN NG ADVENT

Ang kahulugan ng “Advent ay “pagdating”. Ang pinagtutuonan ng pansin ay ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus noong una siyang dumating at ang pag-asa sa kanyang muling pagbabalik. Ang advent ay ang pagdiriwang ng katotohanan tungkol sa Diyos, ang pagpapahayag ng Diyos kay Kristo sa muling pagpapanumbalik ng lahat ng nilalang sa Diyos.

Ang Advent ay sumisimbolo din sa ating espiritual na paglalakbay bilang indibiduwal at kongregasyon na nagpapatotoo na Hesus ay dumating at ang Kanyang presensiya ay nasa ating kalagitnaan ngayon, at buong kapangyarihan siyang babalik.

Kung kaya sa pagdiriwang ng iglesya sa “advent” atin ding ipinapahayag ang ating responsibilidad na iniatas ng Diyos sa atin na “mahalin ang Panginoon mong Diyos ng buong puso at “mahalin mo ang iyong kapuwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”

Ang advent din ay ang pag-asa na balang araw ang Diyos ay maghahari ng may katotohanan, katarungan, at katuwiran. Inaasahan din dito ang paghatol ng Diyos sa kasalanan at ang pagtawag sa mga tao sa kanilang pananagutan sa Diyos.

ANG ADVENT WREATH

 Ang advent wreath ay isang popular ng simbolo ng kapaskuhan. Ang pagiging bilog ng wreath ay walang simula at walang katapusan na nagpapaalaala sa atin sa pagiging walang hanggan ng Diyos at sa Kanyang walang katapusang kahabagan. Ang kulay berde ay nagpapaalaala sa atin na ang ating pag-asa sa Diyos at ang pag-asa ng buhay na walang hanggan. Ang mga kandila sumisimbolo sa liwanag ng Diyos na dumating sa mundo dahil sa pagsilang ng kanyang Anak.

Ang liwanag ng kandila ay nagpapaalala sa atin na si Hesus ang Ilaw ng sanlibutan. Nagpapaalala din ito na tayo ay tinawag mula sa kadiliman tungo sa liwanag.

Ang apat ng kandila sa advent wreath ay ang apat sa maraming pangalan ni Hesus na ating alalahanin sa pagdiriwang ng advent.

Ang sentrong kandila ay tinatawag na Christ candle. Ito ay nasa gitna na nagpapaalaala sa atin na si Kristo ang sentro ng ating buhay.


Leave a response

Your response:

Categories