Posted by: Joey | December 1, 2007

Friends are treasure

dsc01533.jpg

Noong umalis kami ng Pilipinas para mag misyon dito sa Thailand, nasiksik sa utak ko na maraming mawawala sa amin. Hindi ko tinutukoy and mga materyal na bagay na aming maiiwanan. Sa totoo lang wala naman kaming masyadong mga ari-arian na maiiwan. At minsan para bang nagpapasalamat pa ako at iiwan na namin ang aming mga kagamitan na luma at minsan pa nga ay kelangan pang kumpunihin.

Kung ikaw ay may planong umalis at marami kang ari-arian talagang mahihirapan ka. Pero sa tulad naming labing anim na taon ng mag-asawa na pero wala naman talagang naipundar, hindi mahirap ang humayo. Siguro talagang sinadya ng Panginoon na ganun ang aming maging kalagayan para kahit kelan kami tawagin at kahit saan kami papuntahim walang problema sa amin. Ilalagay lang naming sa suitcases an gaming mga gamit at puwedeng-puwede ng lumarga. Nung umalis nga kami sa Pilipinas, naalala ko halos lahat ng gamit namin e kasya sa maleta.

Ang pinaka mahirap iwanan talaga ay yung mga tao na matagal mo ng nakasama. Sa Filipinas wala kaming problema sa doctor, kasi libre yung doctor namin sa Cainta. Naalala ko nung mag ka apendicitis si Reuven, halos pati yung hospital bill ay malibre na dahil tiya ko yung isa sa mga head nurse sa Provincial hospital. Dangan nga lang at wala akong lifecare nung mga pagkakataon na yun, kaya nagbayad din ako ng konting halaga. Sa Cainta din e libre kami sa dentista. Kahit magpapasta libre par in dahil yung dentista kasama namin sa church at ninang pa namin sa kasal. Sa Malasiqui naman, wala kaming problema sa mga papeles at notaryo publiko dahil yung sikat na abogado dun e church member din.

Naaalala ko lalo pag nagpupunta kami sa palengke, minsan e umuuwi kami ng bahay na maydalang sangkaterbang gulay. Di ko makalimutan si Tsa Paps, mula ng maglingkod kami sa Malasiqui Baptist Church e siya ang supplier namin ng gulay. Mahirap ang din ang buhay nya. Marami siyang anak, kundi ako nagkakamali sampu ang mga anak nya. At karamihan nakapisan pa sa kanya, nagsisiksikan sila sa kanilang maliit na bahay. Ang siste mo, pag nakapag-asawa na, pati yung asawa nakikipisan pa rin. Marami na rin siyang apo siguro ngayon, mahigit na ring dalawang taon namin siyang di nakikita. Very proud kami kay sa tibay ng pananampalataya ni Tsa Paps. Kahit mahirap ang buhay nakangiti pa rin. Minsan nagpapadala pa yun ng suporta para sa amin. Kahit magkano yung pinadala nya para sa amin yun ang isa sa pinakamalaking suporta na aming tinatanggap kasi alam namin na napakahalaga nun para sa kanya.

Ngayon dito na kami sa Thailand, di kami makapag pa doctor, kasi bukod sa di kami makapagsalita ng Thai, e sobrang mahal ng doctor dito. Sabi ko sa sarili ko, sa Pinas libre lang doctor. Pati dentista, nagpabunot si Narlin minsan, nakup inabot ng 500 baht, halos 700 sa Philippine Peso. Mura gulay dito, pero walang libre. Parang nag-umpisa ulit kami sa zero, sa aming pagdevelop ng relationship sa mga tao dito. May mga kaibigan na rin kami pero, iba pa rin ang mga kaibigan namin na iniwan. Yun ang mahirap iwanan, dahil yun ang tunay na kayamanan. Maaaring wala kaming mga ari-arian pero alam namin marami kaming kaibigan. Salat kami sa maraming bagay, pero mayaman kami sa kaibigan. Sana lang e balitaan nila kami kung ano na bang nangyari sa kanila.


Leave a response

Your response:

Categories